Monday, October 26, 2015

Karanasan sa paglangoy

Karanasan sa paglangoy



Nagsimula ito noong ako ay apat na taong gulang pa lamang. Isinasali ako at ang aking dalawa pang kapatid ng aking mga magulang sa swimming lessons tuwing bakasyon. Ang tuwing bakasyon lang na pag tuturo sa amin ay naging araw araw nang sumali kami sa swim team. Mula nang mapabilang kami sa isang samahan, nahikayat kaming sumali sa mga kompetisyon. Ang una kong sabak doon ay noong ako ay mga nasa 7 taong gulang pa lamang. Naging malaking parte ito ng aking pag laki. Sa aking pag langoy at pagsali sa mga kompetisyon nahubong ang aking lakas ng loob at bilib sa sarili. Kasama na din dito ang pagkakilala ng mga kaibigan na hihikayatin at papalakasin ang loob mo sa tuwing lalaban ka. May pagkakataong mananalo, mayroon ding panahon na natatalo. Masarap sa pakiramdam na nanjan ang mga ka-team mo para sayo kahit anong mangyari at para hikayatin kang gawin ang lahat ng makakaya mo. At ang pinaka masarap na pakiramdam sa lahat ay yung sinusuportahan ka ng magulang mo sa lahat ng ginagawa mo. Kapag nanalo ay nanjan sila upang masayang batiin ka sa iyong pagkapanalo, at kapag natalo naman ay nanjan padin sila at masayang sasalubong dahil sa napaka husay na ginawa mo. Na kahit nahuli ka ay mapapangiti ka padin dahil alam mong pinagmamalaki ka padin nila dahil ginawa mo ang lahat ng makakaya mo. Para sa akin ayos lang na matalo dahil tulad nga ng laging sinasabi ni mama sa amin, "Basta't nagenjoy ka, panalo ka na :)"

Isang sulyap sa nakaraan..

Las Casas Filipinas de Acuzar



Ang Las Casas Filipinas de Acuzar ay isa sa pinaka magandang lugar na aking napuntahan. Kung hilig ninyo ang mga lumang gusali at mahilig o gusto ninyong may malaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas habang nagre-relax, ito ang lugar para sa inyo.

Ang Las Casas Filipinas de Acuzar ay isang resort sa Bagac, Bataan kung saan ang may ari nito ay mahilig sa mga lumang gamit. Ang kanyang pagkahilig sa mga lumang kagamitan ay ang nagtulak sa kanya na magtayo ng isang resort kung saan binibida ang mga lumang gusali, bahay at iba't ibang mga istraktura na naging bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Ang lugar na ito ay napakaganda dahil tila dinadala ka nito sa nakaraan.  Ang mga lumang istraktura na binili at inilipat dito o kaya naman ay ginawan ng imitasyon ay may kanya kanyang nakaraan na may ambag sa kasaysayan ng Pilipinas kaya tila binabalik ka nito sa nakaraan. Kahit ang mga empleyado ay naka suot ng tulad ng suot ng mga tao noon. Pati ang mga gwardya doon ang suot ay ang mga damit ng mga gwardiya sibil noon.

Mayroong "tour guide" na maglilibot at magkkwento ng mga nangyaring kasaysayan sa isang straktura upang mas maintindihan at malaman ang kasaysayan ng isang partikular na gusali. 

Ang kanilang mga kainan ay nag hahain ng mga pinaghalong Pilipino at Espanyol na mga putahe na siguradong magugustuhan ng lahat. Ang kanilang mga kwarto ay hango naman sa modernong disenyo tulad ng mga kilalang hotel ngunit hindi pa din maalis ang disenyong Pilipino at ang bawat silid ay magaganda at maaliwalas.

Kaya naman ako, kasama ang buong pamilya ay talagang naging masaya sa pag-bisita sa napaka gandang lugar na ito. 😊